Army Colonel guilty sa Albarka ambush
MANILA, Philippines - Hinatulan ng guilty ng General Court Martial (GCM) ang isang Army Colonel na kabilang sa apat na opisyal na nilitis kaugnay ng madugong ambush ng Abu Sayyaf at MILF na ikinasawi ng 19 sundalo sa Al Barka, Basilan noong Oktubre 2011.
Si Col. Aminkadra Undug ay napatunayan ng GCM na lumabag sa Articles of War (AW) 97 conduct prejudicial to good order and military discipline matapos iturong nagbigay ng go signal sa pagdeploy ng isang team ng mga sundalo na wala pang sapat na kasanayan sa combat operations at isinabak na sa labanan kontra sa mga bandidong Abu Sayyaf at MILF.
Ang hatol ay ibinaba kamakalawa at isinumite na kay AFP Chief of Staff Gen. Jessie Dellosa.
Gayunman, sinabi ni AFP Public Affairs Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos na hindi pa ito ‘final and executory’.
Magiging pinal lamang ang hatol laban kay Undug kung aaprubahan ito ni AFP Chief of Staff Gen. Jessie Dellosa.
Alinsunod sa hatol ng GCM, si Undug ay mananatili sa kustodya ng militar at kakaharapin ang mga kaparusahan kabilang ang admonition, hindi puwedeng magkaroon ng command position sa loob ng anim na buwan at pagbaba ng limang level sa lineal seniority list.
- Latest