57 pamilya nasunugan sa Tondo binigyan ng tulong ni Mayor Lim
MANILA, Philippines - Personal na inalam ni Manila Mayor Alfredo S. Lim kahapon ang kalagayan ng may 57 pamilyang nasunugan sa Prudencia St., sa Tondo.
Dahil sa sunog na naganap sa mismong Bagong Taon, agad na binigyan ng relief goods at cash assistance ni Lim ang may kabuuang 319 katao.
Inatasan niya rin si Department of Social Welfare chief Jay dela Fuente, na kasama niya sa pamimigay ng relief goods, na tiyaking may matutuluyan, may makakain at mabibigyan ng used clothings ang mga nasunugan.
Kasabay nito, inatasan niya si Division of City Schools superintendent Dr. Ponciano Menguito na alamin ang naging pinsala ng nasunog na Amado V. Hernandez Elementary School sa Tondo upang mabigyan ng assistance mula sa lokal na pamahalaan kahit ito ay sakop ng national government.
Samantala, iniutos niya rin na magsumite ng update ang anim na director ng city-run hospitals hinggil sa mga naitalang biktima ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon.
Sa pinakahuling ulat, lumalabas na may pinakamataas na bilang ang narehistro sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, sa District 1, na ayon kay Dr. Marlon Millares, ay nasa 97.
- Latest