Pulis na nagpaputok ng nakumpiskang firecrackers pinaiimbestigahan ng PNP
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima ang napaulat na ilang pulis umano kabilang ang ilang opisyal ang nagsindi ng mga nakumpiskang paputok sa mga vendors na ginamit ng mga ito sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Purisima, nakarating na sa kaniyang tanggapan ang nasabing ulat na masusi niyang ipinasisiyasat upang mabatid ang katotohanan sa gitna ng mga alegasyong ito laban sa PNP.
Sinabi ni Purisima na sinumang pulis na mapatunayang guilty ay isasalang sa summary dismissal sa kasong administratibo at madi-dismis sa serbisyo.
Nakikipagkoordinasyon na rin si Purisima sa ilang media network na maaring nakakuha ng footage sa mga pulis na nagpapaputok ng mga nasamsam na paputok at pyrotechnics sa mga vendor.
Una nang inutos ni Purisima ang malawakang crackdown kontra bawal na paputok upang maiwasang makapinsala at makasugat lalo na ng mga inosenteng sibilyan.
Inihayag pa ni Purisima na malinaw naman na itinuro sa mga pulis ang tamang pagsira ng mga makukumpiskang illegal na paputok sa mga vendors na isasagawa ng hindi ito sisindihan kundi ilulublob sa tubig upang hindi na magamit pa.
- Latest