413 naputukan, 215 naaresto! Pagsalubong sa 2013 payapa
MANILA, Philippines - Umakyat na sa 413 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon habang 215 katao naman ang naaresto ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos na mahulihan ng illegal na paputok sa serye ng operasyon sa Metro Manila.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang nasabing bilang ay mula Disyembre 21 hanggang Enero 1 ng alas-6:00 ng umaga.
Aniya, 404 dito ang naputukan, habang walo ang tinamaan ng ligaw na bala, isa ang nakalulon ng paputok at 50-porsyento sa mga biktima ay edad 10 pababa.
Gayunman, mas mababa pa rin anya ito ng 17 porsyento kumpara sa naitalang 498 firecracker-related injuries sa parehong panahon noong isang taon.
Sinabi ni Ona na posibleng nakatulong sa pagbaba ng nasaktan ang pagkakaroon ng ilang New Year countdown parties sa maraming lugar sa Kamaynilaan.
Malaking tulong din umano ang naging kampanya ni Dr. Eric Tayag kontra paputok kung saan idinaan sa sayaw na “Gangnam Style”.
Sinabi naman ni Tayag na magtatagal pa hanggang sa Enero 5 ang pagmo-monitor nila ng firecracker-related injuries.
Ito’y dahil na rin aniya sa iba pang kababayan na posibleng hindi magpaawat at manghinayang sa mga natira o nahinging paputok.
Patuloy pa rin ang pagkalap ng mga impormasyon mula sa iba’t ibang ospital at lalawigan lalo’t mas marami sa walo ang naitalang stray bullet victims sa mga ospital pa lang sa Maynila.
Samantala, inihayag ni NCRPO Chief P/Director Leonardo Espina na 9 katao rin ang nasakote sa indiscriminate firing kasunod ng pagkakasamsam ng anim na baril at tatlong basyo ng bala na ebidensya laban sa mga pasaway na indibidwal.
Naipasara rin ng NCRPO ang 67 stalls habang 35 mga vendor na naaktuhang nagbebenta ng bawal na paputok ang nasakote rin ng mga awtoridad.
Bagaman marami pa rin ang naitalang sugatan sa pagsalubong sa Bagong Taon ay naging mapayapa sa pangkalahatan ang selebrasyon sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., wala ring naitalang mga malalaking insidente ng kriminalidad sa kasagsagan ng selebrasyon.
Nasa P1.650 M halaga naman ng mga ipinagbabawal na paputok ang nasamsam sa limang Police Districts sa Metro Manila.
Samantala, umpisa ngayong araw ay sisimulan na ng mga opisyal na tanggalan ng plaster ang dulo ng mga baril ng mga pulis upang mabatid kung may mga nasangkot sa indiscriminate firing o paggamit ng kanilang mga armas sa pagsalubong sa 2013.
Sinumang mapatunayang nagpaputok ng baril ay mahaharap sa kasong administratibo, kriminal at pagkasibak sa serbisyo. (May ulat ni Rudy Andal)
- Latest