Sky lantern bawal sa residential area
MANILA, Philippines - Binalaan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang publiko sa masamang epekto ng pagpapalipad ng Sky Lanterns sa residential areas, lalo na sa pagsalubong sa Bagong Taon na siguradong magiging sanhi ng malaking sunog, bukod pa sa mga hindi ligtas na paggamit ng mga paputok.
Babala ito ni BFP officer-in-charge, Chief Supt. Ruben Bearis, Jr. dahil ang Sky Lantern, isang tipo ng illuminated flying gadget na pinagagana ng ilaw na gamit ang langis o alkohol, ay naging popular lalo na sa mga mataong lugar.
Ang Sky Lantern na tila nakakahiligang gamitin sa mga kasayahan, ay maari umanong magdulot ng malaking disgrasya kapag bumagsak sa bubungan ng bahay o anumang materyales na madaling masunog.
Bunsod nito nanawagan ang BFP sa mga lokal na pamahalaan na tumulong sa kampanya hingil sa hindi paggamit ng sky lantern sa mga residential areas sa pagsalubong sa Bagong Taon para maiwasan ang sunog na sanhi ng nakasindi mula sa loob nito.
Suhestiyon ni Bearis, maaring gamitin ang naturang bagay sa mga malapit sa baybaying dagat o bakanteng lote para maiwasan ang anumang epekto na magreresulta sa matinding pagkawala ng buhay o ari-arian.
- Latest