BJMP naka-high alert
MANILA, Philippines - Matapos ang apat na araw na red alert sa nagdaang Christmas holidays, ipinagpatuloy ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pagtaas ng kanilang alerto para sa New People’s Army Founding Anniversary at New Year celebration.
Ayon kay BJMP Officer-in-Charge Chief Supt. Diony Mamaril, ipinag-utos niya ang 100% attendance sa mga officers pababa sa personnel simula December 28 hanggang January 2.
Kinansela muna ang lahat ng bakasyon sa mga personnels kasabay ng utos sa regional directors nito na magsagawa ng sorpresang inspections sa lahat ng pasilidad na nasa ilalim nila at sibakin ang mga wardens na wala sa kanilang puwesto.
Dagdag ng opisyal, wala munang pahinga ang lahat lalo na nagdiriwang umano ng kanilang anibersaryo ang NPA simula ngayon.
Bukod sa mahigpit na pagmo-monitor sa jailbreaks, hiniling ni Mamaril sa mga personnel na maging vigilante sa mga aktibidad ng NPA tulad ng mga pagsalakay sa kanilang mga armories.
Hinalimbawa ng opisyal ang nangyari sa Mindanao kung saan dalawang provincial jails dito ang sinalakay, dinisarmahan ang mga guwardiya bago tuluyang nilimas ang mga baril sa kanilang armory.
“Mahirap mag-kumpiyansa, alam mo naman yang mga NPA bigla-bigla na lang sasalakay,” sabi pa ni Mamaril.
Posible anya na kapag Pasko at Bagong Taon ay magkaroon ng pagtakas sa mga preso lalo na ang mga inabandona na ng kanilang pamilya kung saan sa sobrang pagka-inip ay binalak na tumakas.
“Lahat yan kino-consider natin at dapat ‘wag mangyari,” sabi pa ni Mamaril.
- Latest