Cebu gov. sa kapitolyo pa rin magba-Bagong Taon
MANILA, Philippines - Hindi lang Pasko ang ipagdiriwang ni Cebu Governor Gwen Garcia sa kapitolyo kundi pati Bagong Taon.
Bunsod ito nang hindi pa pag-aksyon ng Court of Appeals sa idinulog na petisyon ng gobernadora na humihingi ng temporary restraining order (TRO) laban sa 6-month preventive suspension na iginawad sa kanya ng pamahalaan.
Nabatid na hanggang sa Enero 2, 2013 ay on leave pa rin ang mga mahistrado ng CA na may hawak sa petisyon ng gobernadora.
Si Associate Justice Vicente Veloso, Chairperson ng CA 12th Division na ponente sa petisyon at Associate Justice Aurora Jane Lantion ay nasa decision writing week leave at sila ay babalik lamang sa Enero 2 pa.
Ang decision writing period ay ibinibigay sa mga mahistrado upang mabigyan sila ng sapat na pagkakataon na mapag-aralang mabuti at tapusin ang mga kaso sa kanilang sala.
Matatandaang umakyat si Gov. Garcia sa CA upang pigilan ang 6-month suspension na ipinataw sa kanya kaugnay ng administrative case noon pang 2010 na inihain ni dating vice governor Gregorio Sanchez Jr. na nag-aakusa kay Garcia ng pag-abuso sa kapangyarihan at pagputol sa budget sa kaniyang opisina.
- Latest