Suspension vs Garcia kinuwestiyon ni Enrile
MANILA, Philippines - Kinuwestyon ni Senate President Juan Ponce Enrile ang ipinalabas na suspension order laban kay Cebu Gov. Gwendolyn Garcia matapos personal na bisitahin ang gobernador kahapon kasama sina Vice-President Jejomar Binay at dating Pangulong Erap Estrada.
Nanawagan din si Sen. Enrile sa gobyernong Aquino na pairalin nito ang ‘rule of law’ kasabay ng pagkuwestyon sa suspension order ng Palasyo na ipinatupad ni DILG Sec. Mar Roxas laban sa dating UNA senatorial candidate.
Nangako naman si Gov. Garcia na hindi siya bababa sa puwesto at handa siyang mag-Pasko sa loob ng kapitolyo hanggang hindi naaaksyunan ng Court of Appeals ang inihain niyang temporary restraining order.
Samantala, nanawagan naman ang Palasyo kay Gov. Garcia na sundin na lamang ang kautusan ng Malacañang upang maiwasang lumala ang sitwasyon.
Nilinaw din ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na hindi preventive suspension ang ipinataw kay Gov. Garcia kundi order na mismo ng Office of the President (OP) batay sa reklamong inihain laban kay Garcia.
Sinabi pa ni Sec. Lacierda, may malawak daw na suporta ng mga Cebuano ang pagpapataw ng suspension laban kay Garcia batay sa survey ng mga daily newspapers sa nasabing lalawigan.
“So we would certainly encourage Governor Garcia to follow the rule of law. She has filed a complaint or a petition before the Court of Appeals and, until such time that it will be acted by the Court of Appeals, we would encourage Governor Garcia to follow the legal processes. We have not done that except as to say that we encourage her to follow the rule of law,” giit pa ng tagapagsalita ni Pangulong Aquino.
- Latest