Hiling ng bibitaying OFW: ‘Buhay ko, pamasko ko’
MANILA, Philippines - Muling umapela ng tulong ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nangangailangan ng P44 milyong blood money upang masagip siya sa bitay sa Saudi Arabia.
Si Joselito Zapanta, 33-anyos, ay binigyan lamang ng taning ng hanggang Marso 2013 upang maibigay sa pamilya ng kanyang napatay ang nasabing blood money.
Ayon kay Vice President Jejomar Binay, ang pagiging likas na mapagbigay ng mga Pinoy lalo na ngayong Kapaskuhan na panahon ng pagbibigayan ay magiging daan upang mailigtas sa kamatayan si Zapanta.
Sinabi ni Binay, tumatayo ring Presidential Adviser on OFW Concerns na nitong nakalipas na linggo ay isang “Good Samaritan” ang nag-donate ng halagang P1 milyon para sa pondo (blood money) habang nag-ambag-ambag ang 400 pamilya ng mga OFWs sa isang Christmas party na inorganisa ng Blas F. Ople Center sa pamumuno ni Susan Ople bilang tulong para sa nililikom na blood money
Maging ang lokal na pamahalaan ng Pam panga ay gumagawa rin ng “fund drive” para kay Zapanta na tubong Bacolor, Pampanga.
Ipinaliwanag ni Binay na ang pamilya ni Zapanta ay nahaharap ngayon sa malaking hamon sa buhay dahil sa paghahanap ng pondo para sa nasabing blood money matapos na bigyan lamang sila ng apat na buwan upang makumpleto ito at hindi matuloy ang eksekusyon.
Nabatid na isang mahirap na pamilya lamang si Zapanta kung saan ang 50-anyos na ina nito ay isang housewife na may iniinda pang sakit habang ang ama ay part-time na karpinteryo.
Ang pamahalaan ay naglaan na ng P4 milyon bilang ambag para sa blood money ni Zapanta na idineposito ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa Saudi Arabia kasama na ang P1 milyon na donasyon ng isang indibiduwal.
Sinabi ni Binay na ang nasabing P4 milyon mula sa Phl government assistance fund ay ang nakalaan at ibinibigay para sa blood money cases.
Si Zapanta na nagtungo sa Saudi noong 2007 ay nahatulan ng bitay matapos na mapatay at pagnakawan nito ang kanyang Sudanese landlord matapos ang isang mainitang pagtatalo noong 2009.
Napigil ang pagbitay kay Zapanta noong Nobyembre 14, 2012 matapos na pumayag ang pamilya ng biktima na mapalawig ng hanggang apat na buwan ang palugit upang maipasa sa kanila ng pamilya Zapanta ang nasabing blood money.
- Latest
- Trending