MANILA, Philippines - Hindi na ikinagulat ng Simbahan kung isusunod na ring isusulong sa Kamara ang divorce bill.
Ayon kay Malolos Bishop Jose Oliveros, inaasahan na nila na sunod itong isasalang ng Kongreso dahil noon pa man ay lagi nilang sinasabi na kapag naipasa ang RH bill ay isusunod na ng mga kongresista ang divorce bill, euthanasia, abortion, same sex marriage at iba pang death bills na sisira sa kasagraduhan ng kasal at pamilya.
Nakakalungkot lamang aniya na sa kabila ng kanilang paalaala ay hindi sila pinakikinggan ng mga ito dahil sa pulitika at impluwensya ng mga dayuhan na nagsusulong ng death bills.
Nangangamba si Bishop Oliveros na baka dumating ang araw ay matulad na ang Pilipinas sa Amerika at iba pang bansa sa Europa kung saan ginawang legal ang aborsyon at same sex marraige.
Gayunman, sinabi ng Obispo na patuloy na lalabanan ng Simbahang Katolika ang mga imoral na panukalang batas at umaasa siyang magiging hamon sa lahat ng mga Katoliko ang pangyayaring ito upang magising at manindigan tayo sa mga turo at aral ng Simbahan.
“Katoliko daw sila tapos pabor sila sa RH bill. Pinagmamalaki pa nila na sila ay Katoliko. Hindi talaga nila nauunawaan ang kanilang pagiging Katoliko!“ ani Oliveros.