Patas na probe sa shabu recycling
MANILA, Philippines - Pinangangambahan ang hindi umano patas na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ukol sa shabu recycling sa Taguig City.
Ang NBI ay nagsasagawa ng parallel investigation sa pagdawit sa hepe ng Taguig Police na si Sr. Supt. Tomas Apolinario at 9 na iba pa matapos hingin ng whistleblower na si SPO3 Alexander Saez ang tulong nito.
Ayon kay Atty. Darwin Icay, tagapagsalita ng Nacionalista Party Taguig, nababahala sila na paboran ng NBI si Saez. Hinala pa ni Icay, parang may sinusunod na “script” si Saez nang agad-agarang nagtago sa bakuran ng NBI at humingi ng witness protection samantalang bilang pulis, sa Philippine National Police dapat siya nakipag-ugnayan ng mabuti sa kanyang reklamo.
Ang agam-agam ni Icay ay base na rin sa premature announcement umano ni NBI Anti-Graft Division acting chief Renoir Baldovino na wala silang nakikitang posibleng personalidad o pulitiko na nasa likod ng naging pagbubunyag ni Saez. Ito ay sa kabila ng hindi pa natatapos ang imbestigasyon at nakatakda pa lamang nitong isubpoena si Saez at tanging statement pa lamang ang pinagbabatayan ng kanilang impormasyon.
Una nang lumabas sa media na maaaring ang notoryus na narcopolitics group na Tinga Drug Syndicate ang nasa likod umano ng paninira sa mga pulis-Taguig dahil sa pagkakahuli ng lider nila na si Elisa Tinga. Bukod kay Elisa, pito pang may apelyidong Tinga ang sangkot sa droga ang nasa talaan ng pulisya.
Ayon naman kay NBI Director Nonnatus Rojas, maituturing na premature pa ang naging pahayag ni Baldovino lalo at hindi pa umano natatapos ang kanilang imbestigasyon at naghihintay pa rin ng corroborating statement at nakatakda pa lamang ipatawag si Baldovino upang mabigyang linaw ang kanyang alegasyon laban sa mga miyembro ng Taguig Police.
- Latest