RH bill ipapasa ngayon
MANILA, Philippines - Kampante ang Malacañang na maipapasa ng Kongreso ngayon sa ikatlo at pinal na pagbasa ang kontrobersyal na Reproductive Health (RH) bill.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, positibo ang mga author ng RH bill sa Kamara na ang mga absent sa botohan noong nakaraang linggo ay dadalo sa sesyon ngayong araw upang bumoto ng pabor sa RH bill.
Magugunita na nitong Biyernes ay sinertipikahan ni Pangulong Aquino na urgent ang RH bill. Umaasa ang Pangulo na matatapos na ang botohan dahil matagal na din itong pinagdedebatihan.
Magugunita na ipinatawag ni PNoy sa Palasyo ang mga kaalyadong kongresista nito upang himukin na pagbotohan na ang RH bill.
Samantala, nanghihikayat na rin ang anti-RH Congressman sa may 62 mambabatas na hindi nakaboto noong ikalawang pagbasa na dumalo ngayong araw sa sesyon sa plenaryo.
Ayon kay Cagayan Rep. Rufus Rodriguez, ito ay upang madagdagan ang boto nilang 104 na anti-RH dahil sa 62 absent na mambabatas noong nakaraan, 40 dito ang nagpasabi na sa kanila.
Umaasa ang mambabatas na malalampasan nila ang 113 bilang ng mga pro-RH at mahirap na rin umanong bumaligtad ang mga ito kayat ang battle ground ay nasa 62 mambabatas na lang.
Panawagan naman ni Rodriguez sa mga kasamahan na huwag mag-abstain at sa halip ay dapat silang magbigay ng malinaw na stand sa issue subalit naniniwala naman ang kongresista na hindi na magbabago pa ang posisyon ng tatlo na nauna ng nag-abstain.
- Latest
- Trending