RH bill sinertipikahang ‘urgent’ ni PNoy
MANILA, Philippines - Sinertipikahan na ni Pangulong Aquino na “urgent” ang Reproductive Health (RH) bill upang matapos na ang botohan dito bago magtapos ang sesyon ng Kongreso sa susunod na linggo.
Sinabi ng Pangulo sa dinner sa Malacañang Press Corps, kailangan nang matapos ang botohan sa RH bill dahil matagal na rin itong pinagdedebatihan sa Kongreso at nagiging sanhi ng pagkawatak-watak.
Magugunita na ipinatawag ni Pangulo ang mga kaalyadong kongresista sa Malacañang sa isang luncheon meeting kung saan ay sinabi nitong dapat pagbotohan na ang RH bill.
Ipinabatid din ng Pangulo sa mga mambabatas na dapat bumoto sila sang-ayon sa kanilang konsensiya.
Ipinagtanggol din ng Pangulo kamakailan ang panonood sa botohan ng Rh bill nina DILG Sec. Mar Roxas, DBM Sec. Florencio Abad at Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Aniya, walang masama kung naroroon man ang ilang miyembro ng Gabinete na sumusuporta sa RH bill dahil maging ang mga kontra sa RH bill ay nagpapakita rin ng kanilang lobby sa Kongreso.
Umaasa naman si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na ang pagsertipika ng Pangulo bilang urgent sa RH bill ay magpapabilis upang maipasa na ang nasabing panukala.
Tiniyak naman ni Sen. Miriam Defensor Santiago na pinal na ang magiging botohan ng Senado sa RH bill sa Lunes kung saan inaasahan niyang papasa ang panukala.
Sinabi ni Santiago na dahil sinertipikahan ng urgent ni Aquino ang panukala maaari na kaagad itong isalang sa ikatlo at huling pagbasa sa sandaling maisara ang period of amendments o pumasa sa second reading.
Kumpiyansa din ang senadora na maaring lagdaan ng Pangulo ang RH bill sa Huwebes, Disyembre 20 o 30 araw matapos niya itong matanggap upang maging isang ganap na batas.
- Latest