Parusa sa Nokor niluluto ng UN
MANILA, Philippines - Matapos ang paglulunsad ng long-range missile ng North Korea, tiniyak kahapon ng United Nations Security Council na kanilang parurusahan o kakastiguhin ang Nokor.
Ayon sa UN, tahasang lumabag ang North Korea sa UN Security Resolutions dahil sa sorpresang pagpapalipad ng rocket sa himpapawid na umabot ang debris sa teritoryo ng Pilipinas sa Pacific Ocean.
Tiniyak ng UN na hindi nila palalagpasin ang ginawang satellite launching ng North Korea sa kabila ng matinding pagkondena ng international community kabilang ang Estados Unidos, South Korea, Japan at Pilipinas hinggil sa pagsasakatuparan ng nasabing plano.
Pinag-uusapan pa ng UN kung anong ipapataw na sanction laban sa Nokor dahil sa paglabag sa isinasaad ng UN Security Resolutions 1874 na nagbabawal na magsagawa ng satellite o missile launch at sa UN Security Council Resolution 1718 na nagsususpinde sa lahat ng aktibidad ng Nokor na may kaugnayan sa ballistic test technology.
Matapos ang nasabing matagumpay na rocket launching, pinaniniwalaan ng US, South Korea at Japan na isusunod na ng Nokor ang posibleng pagsasagawa ng nuclear weapon test.
Ang long range missile o satellite carrier rocket na pinalipad ng Nokor ay may kakayahang makaabot sa US na mahigpit nitong kaaway.
- Latest