‘Non-duty status’ ibinasura Gen. Bartolome nagretiro na lang ng maaga
MANILA, Philippines - Ibinasura ni outgoing Philippine National Police (PNP) Chief Director General Nicanor Bartolome ang alok ni Pangulong Aquino na ‘non duty status’ at nagdesisyong magretiro na lang ng maaga matapos ang may 37 taong serbisyo publiko.
Inanunsiyo ni DILG Sec. Mar Roxas na sa Disyembre 18 ay pormal ng isasalin ni Bartolome ang kapangyarihan kay Deputy Director Alan Purisima sa gaganaping turnover ceremony.
Si Purisima, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1981 at kasalukuyang Directorial Staff ng PNP ang napisil ni Pangulong Aquino na pumalit kay Bartolome ng PMA Class 1980.
Una ng inihayag ng Malacañang na mapipilitan silang ilagay sa ‘non duty status’ si Bartolome kapag hindi ito nagretiro ng maaga sa serbisyo.
Sa Marso 16 pa dapat magretiro sa serbisyo si Bartolome pagsapit ng kaniyang ika-56 taong kaarawan na mandatory age retirement pero kinailangang magsakripisyo at lumisan ng maaga sa serbisyo dahil nais ng Pangulo na maglagay ng officer-in-charge sa PNP bilang preparasyon sa May 2013 elections.
Tumanggi kasi noong una si Bartolome na maagang magretiro at nais nito ay tapusin ang kanyang termino hanggang Marso 2013 upang makuha raw ng buo ang kanyang retirement benefits.
Inalok ni PNoy si Bartolome na maging kapalit ni DILG Usec. Rico Puno subalit mas ninais ni Bartolome na tapusin ang kanyang termino.
- Latest