MANILA, Philippines - Patuloy ang pagpapadala ng tulong sa mga biktima ng bagyong Pablo sa Visayas at Mindanao makaraang aprubahan ng pamahalaang lungsod ng Makati ang P4 milyong tulong pinansyal para sa “relief at rehabilitation”.
Nanggaling ang P4 milyon buhat sa Quick Response Fund sa ilalim ng Local Disaster Risk Management Fund ng pamahalaang lungsod.
Dadalhin ang pera sa mga apektadong munisipalidad ng Compostela, Maragusan at Nabunturan sa Compostela Valley at sa Banaybanay, Lupon at Mati City sa Davao Oriental.
Sinabi ni Makati Mayor Jejomar Erwin Binay na nagpadala rin sila ng dalawang K9 dogs mula sa Philippine K9 Search and Rescue Foundation at Makati Rescue bilang “rescue teams” sa New Bataan, Compostela Valley noon pang Disyembre 7.
“The devastation in Compostela Valley really saddens us. Makati will provide assistance in whatever form to alleviate the suffering of the people affected by Pablo,” sabi ni Binay.
Mananatili ang grupo sa Compostela Valley hanggat kailangan ang kanilang tulong doon.
Una rito ay nakarekober ang Makati team ng pitong biktima kabilang ang isang missing na sundalo.