MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Senator Franklin Drilon na kinabahan siya ng isalang na sa plenaryo para pagdebatihan ang pinal na bersiyon ng bicameral conference committee sa sin tax reform bill.
Sa panayam, sinabi ni Drilon na ngayon na lamang siya nakakahinga ng maluwag dahil malapit ng lagdaan ni Pangulong Aquino ang panukala upang maging ganap na baas.
“I was a nervous wreck for the past two months. Nakikita no naman araw-araw na ako dun eh,” sabi ni Drilon.
Nagbiro pa si Drilon na nakahanda na ang Philippine Heart Center dahil baka atakihin siya sa puso.
Niratipikahan na ng Senado at House of Represenatives noong Martes ng gabi ang sin tax bill na inaasahang mapapakinabangan ng nasa 5.2 milyong mahihirap na pamilya.
Inaasahang ipapasa na sa Malacañang sa mga darating na araw ang kopya ng niratipikahang bill upang malagdaan.
Halos dikit ang naging resulta ng botohan sa Senado kung saan 10 ang bumoto ng pabor at 9 ang kontra. Kabilang sa siyam na tumutol si Senate President Juan Ponce Enrile.
Ayon kay Drilon, dumaan sa butas ng karayom ang nasabing panukala.