Makaraang ransakin ng mga nagugutom na evacuees bodega ng NFA, grocery stores bantay-sarado
MANILA, Philippines - Upang maiwasang maulit pa ang mga nakawan ng bigas sa bodega ng National Food Authority (NFA) at grocery stores sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad partikular na sa Davao Oriental, pinakilos na kahapon ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang mga units ng pulisya upang sawatain ang mga nakawan.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., ang hakbang ay matapos na atasan mismo ni Pangulong Benigno Aquino III ang PNP na panatilihin ang peace and order sa mga lugar na sinalanta ng delubyo ng bagyo partikular na sa Davao Oriental at Compostela Valley.
Nabatid na naalarma ang Palasyo matapos na makarating sa kanilang kaalaman na niransak na ng mga nagugutom na evacuees ang mga grocery stores at maging ang bodega ng NFA sa bayan ng Cateel, Davao Oriental nitong mga nagdaang araw.
Samantalang nagbitbit na rin ng karatula ang mga evacuees sa mga apektadong lugar na nagmamakaawa sa paghingi ng relief goods lalo na ang pagkain.
Sinabi ni Cerbo na partikular na minobilisa ni Bartolome ay ang mga commanders ng pulisya sa Southern Mindanao na pinakilos din ang Barangay Peacekeeping Action Teams (BPAT) at iba pang mga force multipliers sa lugar.
- Latest