7,372 barangays sa Pinas apektado ng droga - PDEA
MANILA, Philippines - Labing walong porsiyento o kabuuang 7,372 barangay sa bansa ang kinokonsiderang apektado ng iligal na droga.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang naturang resulta ay base sa datos at nakalap na impormasyon ng PDEA at katuwang na mga drug law enforcement agencies.
“A barangay is said to be drug-affected when there is a determined existence of drug user, pusher, manufacturer, marijuana cultivator or other drug personality regardless of number in the area,” paliwanag ni Cacdac.
Sabi ni Cacdac, may tatlong batayan para matukoy na ang isang barangay ay bahagyang apektado ng droga, katamtamang apektado at seryosong apektado.
Ang isang barangay ay kinokosiderang bahagyang apektado kung may natukoy na drug users sa kanilang komunidad, pero walang drug pushers o traffickers na nag-o-operate dito.
Katamtamang apektado kung mayroon kahit isa lang drug pusher o trafficker sa kanyang komunidad, habang seryosong apektado kung mayroon kahit isang drug laboratory, den, sugalan o resort na hinihinalang umiiral sa komunidad.
Dagdag pa ni Cacdac, 30.7 porsiyento sa kabuuang barangays sa buong bansa ay itinuturing na slightly affected, 61.6 porsiyento ay moderately affected, habang ang natitirang 7.7 percent ay seriously effected.
- Latest