MANILA, Philippines - Isinapinal na ng Korte Suprema ang kahilingan ni dating Autonous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan na matanggal siya bilang akusado sa Maguindanao massacre case.
Batay ito sa 3-pahinang notice of resolution ng Supreme Court Third Division, na may petsang Nobyembre 14, 2012 at pirmado ni Division Clerk Lucita Soriano.
Sa nasabing resolusyon, ibinasura ng Mataas na Hukuman ang ikalawang motion for reconsideration (MR) ni Zaldy Ampatuan dahil sa kawalan ng merito.
Sa kanyang mosyon, hiniling ni Zaldy na magpaliwanag ang SC sa ginawa nitong pagbasura sa kanyang inihaing petition for review at motion for reconsideration na magkasunod na ibinasura noong nakalipas na Hunyo 25 at Agosto 15.
Tinukoy ni Zaldy na napagkaitan siya ng due process nang hindi ilahad ng SC ang facts of the law na ginamit na batayan sa kanyang kinukwestiyong mga desisyon.
Pero iginiit ng high tribunal na hindi nito kailangang magpaliwanag dahil wala naman silang makitang pagkakamali sa naging desisyon ng mababang hukuman.
Bukod dito, natalakay na rin umano ang facts of the law sa naging desisyon ng Court of Appeals (CA).
Dahil sa kautusang ito, wala na umanong magiging legal na balakid para maisalang sa arraignment si Zaldy sa kasong multiple murder.