‘Zero casualty’ kay Pablo bigo
MANILA, Philippines - Nadismaya si Pangulong Aquino matapos mabigo ang gobyerno na makamit ang ‘zero casualty’ sa bagyong Pablo na nanalasa sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Pangulong Aquino kahapon, inatasan na niya si DILG Sec. Mar Roxas na lagumin ang pangyayari at alamin kung sino ang dapat managot sa nangyaring trahedya matapos halos 100 katao ang nasawi sa bagyo.
Ayon naman sa Pangulo, bago manisi ay dapat alamin muna kung sino ang may pagkukulang at magsagawa pa rin ng rescue operations sa mga lugar na niragasa ni Pablo upang hindi na madagdagan pa ang mga casualty.
Nais din malaman ni PNoy kung saan nagkaroon ng flashfloods matapos mapaulat na may evacuation center na nasira dahil sa pagbaha na naging dahilan ng pagkasawi ng mga evacuees.
Inalam din ng Pangulo kay DOST Sec. Mario Montejo kung ang Compostela valley at ibang pang lugar sa Mindanao na sinalanta ng bagyong Pablo ay nasa ‘tukoy’ na danger areas.
“I have been asking Secretary (Mario) Montejo, for instance, sa DOST to assess whether or not this was one of the danger areas already identified. We will always try to seek better and better performances,” wika pa ng Pangulong Aquino.
- Latest
- Trending