5 patay kay ‘Pablo’
MANILA, Philippines - Lima katao ang nasawi habang nasa 57,501 katao ang inilikas sa paghagupit ng bagyong Pablo sa Eastern Visayas Region, Region X, X1 at Caraga.
Kinilala ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos ang nasawing sina Divina Balante, 60, nabagsakan ng nabuwal na puno ng niyog sa Manay, Davao Oriental; Jigger Gumonit, 30, nabagsakan ng punong kahoy sa Panaon, Misamis Oriental at Elberto David, 23, nabagsakan ng puno ng niyog sa Lazi, Siquijor.
Ang isa pa ay ang sundalo na tinukoy lamang sa pangalang Sgt. Olivares, naka-standby na rescue team sa Patrol Base ng Army’ 66th Infantry Battalion (IB) sa New Bataan, Compostela Valley na tinangay ng rumaragasang flashflood na ikinasugat rin ng opisyal nito na si Lt. Deaseta.
Anim ring sundalo ang nawawala sa insidente habang 20 pang sibilyan ang tinangay rin ng tubig baha kahapon ng umaga bago magtanghali.
Iniulat naman ng Caraga Police na isang Rossel Along rin ang nasawi sa kanilang lugar matapos na mabagok ang ulo ng mahulog sa mataas na hagdanan bunga ng malakas na hangin at pag-ulan.
Tatlo naman ang sugatan ng mabagsakan ng punong kahoy sa Davao Oriental, dalawa sa Manay at isa pa sa Mati City, Davao Oriental habang nawawala si Juanito Colvo sa Liloan, Southern Leyte.
Ang bagyong Pablo na tumama sa kalupaan ng Eastern Mindanao sa Baganga, Davao Oriental bandang alas-5 ng umaga ay bahagyang humina habang papatawid na sa Bukidnon.
Alas-11 ng umaga, si Pablo ay namataan sa layong 50 kilometro silangan ng Malaybalay, Bukidnon taglay ang lakas ng hanging 160 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na 195 km bawat oras.
Ngayong Miyerkoles, si Pablo ay nasa layong 140 km timog kanluran ng Iloilo City at sa Huwebes ay nasa layong 230 kilometro kanluran ng Coron, Palawan at sa Biyernes ay nasa 500 km kanluran ng Iba, Zambales.
Ayon kay Ramos, naitala sa 3,268 ang stranded na pasahero, 148 rolling cargos, 93 behikulo at 49 mga bangka bunga ng hagupit ng bagyo.
Walang kuryente at komunikasyon ang mga lungsod ng Tandag at Bislig; mga bayan ng Hinatuan, Tagbina, Barobo, Lianga at Lingig sa Surigao del Sur; Carmen, Agusan del Norte at Pilar; Surigao del Norte.
Nasira naman ang linya ng komunikasyon sa PIlar, Surigao del Norte bunga ng mga napinsalang cell site.
Nakiusap naman ang Malacañang sa mga residente partikular ang mga tatamaan ng bagyong Pablo na huwag nang maging pasaway at seryosohin ang mga babala upang maiwasan ang anumang kapahamakan. May ulat ni Rudy Andal
- Latest