Pag-angat ng kabuhayan paabutin sa liblib na lugar
MANILA, Philippines - Ang pag-angat ng kabuhayan ng pinakaliblib na mga komunidad sa bansa ang tunay na batayan ng magandang ekonomiya ng bansa.
Pahayag ito ni Sen. Loren Legarda bilang reaksiyon sa pag-aaral ng National Statistical Coordination Board (NCSB) na nagsasabing lumago ng 7.1 porsiyento ang ekonomiya sa ikatlong bahagi ng taon.
Sa naturang pag-aaral ay ipinagmalaki rin ng NCSB na ang datus na naitala ng Pilipinas ay pinakamataas sa Timog Kanlurang Asya at pangalawa sa pinakamataas sa Asya.
Pero ayon kay Legarda, kahit lumago ang ekonomiya, hindi ito magiging sapat kung hindi aabot sa pinakaliblib na mga komunidad sa ating bansa ang mga benepisyo kagaya ng serbisyong pangkalusugan at mas maraming mga trabaho.
Masasabi rin lamang aniya na maganda ang takbo ng ekonomiya ng isang bansa kung napapanatili ng pamahalaan ang pangangalaga sa mga likas na kayamanan laban sa tumitinding pag-abuso ng ilang sektor.
Kasabay nito ay nananawagan din ang mambabatas sa gobyerno na palakasin pa ang kampanya at mga programang magbibigay ng tulong sa mga maliliit na negosyante, mga magsasaka at mga mangingisda.
- Latest