Solid north bubuwelta sa sin tax – Enrile
MANILA, Philippines - Nagbabala si Senate President Juan Ponce Enrile sa tiyak na pagbuwelta ng mga botante ng tinatawag na ‘solid north’ laban sa mga mambabatas na boboto ng pabor sa mataas na tax sa sigarilyo sa bicameral conference committee.
Ayon kay Enrile, may natanggap siyang impormasyon na ilang opisyal ng gobyerno ang nagla-lobby upang ibaba ang buwis sa alak at mas itaas ang buwis sa sigarilyo.
“Makikita ninyo (ang block voting) kung papaano kami gumalaw, kung kami ay gagalaw,” ani Enrile.
Sinabi naman ng Philippine Tobacco Growers Association (PTGA), na titiyakin ng mga tobacco farmers at growers at kanilang pamilya na hindi makakatikim ng boto sa kanila ang mga reeleksiyunistang senador at mga kongresista na mas papaboran ang mataas na buwis sa sigarilyo.
Una ng nagbabala ang mga tobacco farmers na kanilang isi-zero vote ang mga reelectionist senators sa 2013 midterm elections na papabor sa napakataas na buwis sa lokal na sigarilyo.
“Ilang beses na kaming nakikiusap na pakinggan naman ang aming panig at bigyang konsiderasyon ang aming kabuhayan sa plano ng ilang mambabatas na patawan ng napakataas na buwis ang sigarilyo,” ani PTGA president Saturnino Distor.
Nauna na ring nakiusap ang People’s Coalition Against Regressive Taxation (PCART) kay Pangulong Aquino na i-veto ang sin tax bill kapalit ang kanilang suporta sa lahat ng kandidato na ieendorso nito lalo na sa mga tumatakbo bilang senador.
- Latest