Sa inilabas na ‘wanted list’… DND at DILG, binira ng solon
MANILA, Philippines - Binira ng Makabayan bloc sa Kamara ang Department of National Defense (DND) at ang Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa ipinalabas nilang listahan ng umanoy 235 wanted na komunista.
Naghain ng House Resolution 2927 si Bayanmuna Rep. Neri Colmenares na humihiling na imbestigahan ang umanoy “dangerous list” na inilabas ng dalawang ahensiya ng gobyerno.
Kasabay din ng nasabing listahan ang monetary reward na nagkakahalaga ng P466.88 milyon.
Giit ni Colmenares dapat na ibasura ang nasabing listahan o kung hindi man ay isapubliko ito dahil ang kahulugan umano nito sa termino ng militar ay Order of Battle (OB).
Nangangamba ang mambabatas na posibleng ang mga miyembro ng legal organizations at party list groups ay kasama sa nasabing listahan kayat hindi malayong ipagpatuloy ng gobyerno ang pagsasampa ng mga kaso na walang katotohan at ang paglabag din sa karapatan ng mga aktibista.
Paliwanag ni Colmenares, ganito rin umano ang nangyari noong nakalipas na administrasyon na gumagamit ng mga listahan o OB laban sa mga aktibista at kanyang mga kritiko kayat noon umano ay 1,206 ang naging biktima ng extrajudicial killings at 206 naman ang naging biktima ng sapilitang pagkawala dahil sa Oplan Bantay Laya subalit hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ito sa Oplan Bayanihan.
Nangangamba rin si Colmenares na dahil sa listahan ay mayroong mga opisyal ng militar ang magsagawa ng surviellance, pag aresto o pagpatay sa mga fall guys, aktibista o sa kahit sino na nagkukunyari na susuko upang makuha lang ang reward.
Para naman may Anakpawis Partylist Rep. Rafael Mariano, ang pagtanggi ng administrasyong Aquino na palayain ang mahigit sa 401 political prisoners at patuloy na pagkakapiit ng 13 NDF consultants ay malinaw na paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG).
- Latest