Martsa vs sin tax tumindi pa
MANILA, Philippines - Muling nagpakita ng lakas ang mga miyembro ng People’s Coalition Against Regressive Taxation (PCART) sa pamamagitan ng pagmartsa mula lungsod Quezon patungo sa Mendiola bridge at Senado para magbigay ng bagong mensahe kay Pangulong Noynoy Aquino.
May 2,000 protester na kinabibilangan ng mga naninirahan sa iskwater, ambulant vendors at may-ari ng sari-sari ang nagbitbit ng higanteng streamer na humihiling kay P-Noy na i-veto ang Sin Tax Bill kapalit ang kanilang suporta sa lahat ng kandidato na i-endorso ng pangulo, lalo na sa mga tumatakbo bilang Senador.
Ayon kay Edwin Guarin, pinuno ng PCART, “Pinabayaan kami ng House of Representatives, ang Senado ay naging bingi sa amin, kaya pagkakataon na ng Pangulo upang maprotektahan ang aming mga trabaho at pinagkakakitaan. Bilang pinakamataas na opisyal ng bansa, siya ay may ekslusibong kapangyarihan upang balewalain ang nakakatakot na sin tax bill bago pa mabasag nito ang hangarin ng kanilang pamilya.”
Mariing tinututulan ng alyansa ang sin tax bill sa paniwalang sa pagpasa ng nasabing batas ay magdudulot ng matinding pasakit kaysa mabuti sa mga mahihirap, sa paniwalang sila ang magdurusa sa epekto ng ekonomiya na magreresulta sa malawakang pagtatanggal sa trabaho at malaking pagbaba ng kita para sa mga ambulant vendors at may-ari ng sari-sari store.
- Latest