Mountaineers umaakyat ng bundok para mamigay ng tulong sa mga bata
MANILA, Philippines - Nagsariling sikap ang grupo ng mga mountaineers upang iabot ang tulong sa mga higit na nangangailangan na nakatira sa mga bulubundukin.
Sa Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni Kelly Austria, head ng Trails to Empowered Kids, na bukod sa nag-e-enjoy ang kanyang grupo sa pag-akyat sa mga matataas na bundok, itinuon din nila ang pamamahagi ng mga tulong sa mga bata, partikular sa mga nag-aaral.
Kabilang sa mga ipinamimigay na tulong ng kanilang grupo ay mga school supplies, bags at construction materials sa pagpapagawa ng palikuran para sa mga mag-aaral.
Bagama’t inamin ni Austria na nanggagaling ang kanilang budget na ipinamamahagi sa pamagitan ng solicitation at mga tulong sa mga malalapit na kamag-anak, siniguro naman nila na buong-buo na naipamimigay sa mga nangangailangan ang nakukuha nilang donasyon.
Kabilang sa mga bundok na kanila nang naakyat upang mamigay ng tulong ay sa Ifugao, Benguet, Aurora, Apayao, Zambales at Nueva Ecija.
Nanawagan na rin ang kanilang grupo sa pamahalaan at sa indibidwal sa anumang tulong na kanilang maibibigay ay makipag-ugnayan na lamang sa kanila sa pamagitan ng kanilang website na www.trailstoempoweredkids.com .
Dalawang beses sa isang taon, tuwing Agosto at Disyembre, kung umaakyat ng bundok ang grupo ni Austria upang mamigay ng tulong.
- Latest