HS graduate puwede ng mag-pulis
MANILA, Philippines - Pwede ng mag-pulis ang mga high school graduate na interesado, ito’y kung matuloy ang plano ni incoming Philippine National Police (PNP) chief Deputy Director General Alan Purisima na ibaba ang educational requirement.
Napaulat na sinabi ni Purisima na kapag naupo na siya sa puwesto ay ibababa niya ang educational requirements para sa mga gustong maging pulis mula college graduate gagawin na lang itong high school graduate.
Ikinatuwiran umano ni Purisima na hindi naman kailangang maging college graduate para magbantay sa mga pampublikong lugar.
Ayaw naman magbigay ng komento ng Palasyo sa isyu hangga’t hindi pa ito napapag-usapan ng PNP at DILG at hindi pa napag-aaralan ni DILG Secretary Mar Roxas.
“So we do not want to give our comments in public until it has been studied carefully by Secretary Mar Roxas together with PNP. So hindi na muna kami magco-comment diyan,” pahayag ni Lacierda.
Nauna rito, pinuna rin ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na mistulang mas mataas pa ang educational requirement ng mga pulis na dapat ay college graduate kaysa sa educational requirement ng mga pulitiko gaya ng presidente ng bansa, bise presidente, senador at congressmen na hindi kinakailangang graduate ng kolehiyo.
Ayon kay Lacierda, sa ngayon ay wala pa naman silang natatanggap na request para sa isang briefing upang ilatag sa Malacañang ang panukala ni Purisima.
Matatandaan na mula high school graduate ay itinaas sa college graduate ang educational requirement ng mga nais maging pulis.
- Latest