Nagtapos sa TESDA may college diploma na rin
MANILA, Philippines - Magkakaroon na ngayon ng pagkakataon ang mga nagtapos sa TESDA programs upang makakuha na rin sila ng college diploma matapos lagdaan ni Pangulong Aquino ang Executive Order 83 para sa institutionalization ng Philippine Qualifications Framework.
Ayon kay TESDA Director-General Joel Villanueva, ang EO 83 ay malaking tulong hindi lamang sa mga estudyante kundi maging sa industriya na siyang kukuha naman sa mga graduates upang magtrabaho sa kanila.
Maglalabas naman ng Implementing Rules and Regulations (IRR) hinggil sa EO 83 na siyang itatakda ng TESDA, DepEd, CHED at Philippine Regulatory Commission (PRC).
Sa kasalukuyang educational system ng bansa ay mayroon tayong trifocized education management system partikular ang basic education, technical-vocational education at training and higher education.
Ipinaliwanag naman ni Sec. Villanueva, sa pinaka-simpleng salita ay madali nang matutukoy kung sino ang nagtapos ng House keeping sa TESDA at HRM sa kolehiyo.
Aniya, kung ang nagtapos ng house keeping sa TESDA ay nais na kumuha ng HRM sa kolehiyo upang magkaroon siya ng diploma ay magkakaroon dito ng assessment para mabatid kung ilan taon na lamang ang kanyang dapat kunin upang makatapos ng HRM sa kolehiyo kung saan ay puwedeng maging basehan din ang kanyang working experience bilang house keeping grad ng TESDA.
Sa ilalim ng Philippine Qualification Framework ay mayroong partisipasyon din ang industriya kung saan ay ilalatag nila ang mga kailangan nilang kwalipikasyon ng mga kailangan nila sa kanilang industriya.
- Latest