‘Shabu sa Pajero’ itinanggi ni Almeda
MANILA, Philippines - Pinabulaanan ng dating staff ni Ang Galing Pinoy partylist Rep. Mikey Arroyo na mayroon siyang kinalaman sa sasakyang gamit ng naarestong Amerikano na sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga.
Sa isang statement, sinabi ni Atty. Antonio Almeda na naibalik na niya ang Mitsubishi Pajero na inisyu ng National Power Corporation noong nagtatrabaho pa siya kay Arroyo na dating chairman ng House Committee on Energy.
Paliwanag ni Almeda, taong 2009 pa niya isinoli ang sasakyan sa Napocor pagkatapos magsilbi kay Arroyo at simula noon ay wala na umano sa kanya ang pangangalaga sa Pajero at hindi na rin niya ito nagamit.
Idinagdag pa nito sa kanyang pagkakatanda umano ay inutusan niya ang kanyang driver na ibalik ang Pajero at binigyan pa ito ng checklist ng Napocor patunay ng delivery ng sasakyan sa ahensiya.
Itinanggi rin ni Almeda na kilala niya ang Amerikanong si Brian Hills na sinasabing gumamit ng Pajero sa paghahatid ng shabu sa kanyang kliyente.
Sinabi naman ni Atty. Jay Flaminiano, abogado ni Almeda na hinahanap na nila ang resibo na inisyu sa kanila ng Napocor na siyang nagpapatunay na naibalik na nila ang sasakyan sa nasabing ahensya.
- Latest