3rd anniv. ng Maguindanao massacre ginunita
MANILA, Philippines - Ginunita kahapon ng iba’t ibang media organizations ang ika-tatlong taong anibersaryo ng Maguindanao massacre.
Sinimulan ng National Press Club (NPC) ang anibersaryo sa isang misa sa San Agustin Church sa pangunguna ni Bishop Deogracias Yniguez para sa Honest, Orderly and Peaceful Election (HOPE) 2013, dahil ang election noong 2010 ang naging ugat ng masaker.
Sinundan ito ng Walk for HOPE 2013 mula San Agustin Church patungo sa Commission on Elections (Comelec) kung saan lumagda ang mga mamamahayag ng isang covenant para sa pagdaraos ng mapayapang elec tion sa susunod na taon.
Sinunog din dito ang isang scarecrow effigy na sumisimbolo sa mga Ampatuan na itinuturong utak sa massacre.
Makaraan nito, nagsindi ng 58 kandila na sumisimbolo sa 58 indibidwal na biktima ng masaker sa isang commemorative marker sa NPC compound saka tumulak patungong Supreme Court (SC) bitbit ang 32 mock coffins saka nagtungo sa Mendiola para sunugin ang effigy na tinawag na Impunity Monster.
Ipinarada rin ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang 153 kabaong na sumisimbolo sa 153 mamamahayag na napaslang mula 1986, kasama ang 32 na nasawi sa masaker.
Umapela naman si NPC Vice President Marlon Purificacion sa Malakanyang na bigyan ng proteksyon at kung maaari ay pagkalooban ng pansamantalang matutuluyan sa Metro Manila ang mga kaanak ng mga biktima habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kaso.
- Latest