15-M pasahero sumakay sa LRT
MANILA, Philippines - Nakapagtala ang Light Rail Transit Authority (LRTA) ng bagong ridership record na 15 milyon noong nakaraang buwan sa kanilang Baclaran-Monumento (Line 1) na ruta.
Ayon kay Engr. Emerson L. Benitez, officer-in-Charge ng LRTA, umaabot sa kabuuang 15,033,360 pasahero ang sumakay ng tren noong October 2012.
Nalampasan nito ang dating rekord na 13,559,520 passengers na naitala noong Oktubre 2011 o increase na 11 por siyento.
Sinabi ni Benitez na ang naturang increase sa kanilang ridership ay patunay lamang na maraming tao ang sumasakay ng LRT dahil mas mabilis ito, mas mura at mas kumbinyente.
Mas marami rin aniyang tao ang mas nais sumakay sa LRT dahil umiiwas ang mga ito sa masikip na daloy ng trapiko at mataas na presyo ng petrolyo.
Kaugnay nito, umapela naman ang management ng LRTA sa mga commuters na sumasakay sa LRT Line 1 at 2 na maging mapagpasensiya at makipag-cooperate sa kanilang security measures.
Nagpaalala pa ito na huwag nang magdala ng mga nakabalot na regalo sa LRT dahil bubuksan rin naman ito ng mga guwardiya para rin naman sa kaligtasan ng mga pasahero.
Ang mga bagahe naman umano na lampas sa 2 feet x 2feet ang haba at lapad ay hindi rin nila papayagang isakay sa mga tren.
- Latest