Inaprub na Sin Tax ng Senado mas tanggap ng tobacco farmers
MANILA, Philippines - Mas pinaboran ng mga magsasaka ng tobacco ang ipinasang sin tax bill ng Senado kamakalawa ng gabi kung saan inaasahang makakakolekta ang gobyerno ng P40 bilyon buwis taun-taon.
Ayon sa PhilTobacco Growers Association (PTGA), bagama’t masyadong malayo sa “ideal” ang ipinasang panukala ng Senado pero mayroon naman umano itong malaking pagbabago kumpara sa bersiyon ng House of Representatives.
Sa botong 15-2 pumasa ang kontrobersiyal na Sin Tax Bill kung saan tanging sina Senators Joker Arroyo at Francis Escudero ang kumontra sa panukala. Wala naman sa voting sina Senate Minority Floor Leader Alan Peter Cayetano, Edgardo Angara, Miriam Defensor-Santiago, Serge Osmeña, Francis Pangilinan at Antonio Trillanes IV.
Nagpasalamat ang PTGA kina Senate President Juan Ponce Enrile, Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sen. Ralph Recto dahil sila ang naggiit na magkaroon ng makatarungan at “equitable tax measure”.
Ang mga nabanggit na senador ang nagsulong na magkaroon ng mas pantay na sharing na 60 porsiyentong makokolektang buwis mula sa tobacco at 40 porsiyento mula sa alcohol kumpara sa isinulong ni Sen. Franklin Drilon na 75% sa tobacco at 25% sa alcohol.
Sa inaprubahang bersiyon ng House, 85 porsiyento ang kukunin sa tobacco at 15 porsiyento lamang sa alcohol.
Sinabi ni PTGA spokesperson Asuncion Lopez, tama lamang ang ginawa nina Enrile at Marcos na kapwa nagmula sa mga rehiyon na taniman ng tobacco.
Pero iginiit din ni Lopez na malaki pa rin para sa kanilang mga magsasaka ang napagpasyahang pinal na bersiyon ng excise tax bill ng Senado.
Ang makukuhang dagdag na buwis sa ipapataw sa sigarilyo at alak ay gagamitin ng gobyerno sa health programs nito.
Isasalang na sa bicameral conference committee ang nasabing panukala upang tuluyang maisumite kay Pangulong Aquino at maging ganap na batas.
- Latest