Text P.80 na lang!
MANILA, Philippines - Mula sa P1.00 ay magiging 80 sentimos na lang ang kada text sa Smart, Globe at iba pang telecommunications company sa bansa.
Ito’y makaraang iutos kahapon ng National Telecommunication Commission (NTC) sa Smart Communications, Globe Telecoms at Digitel Mobile Philippines na 80 cents lamang ang singilin sa mga subscriber bilang interconnection charge sa pag-text.
Inutos din ng NTC sa telcos na isoli ang 20 cents na sobra sa P1.00 singil sa text mula December 1, 2011 nang ipalabas ang naturang order hanggang sa kasalukuyan.
Una nang nagsampa ng kasong administratibo ang NTC sa Telcos dahil sa hindi pagsunod ng naturang mga kumpanya sa memorandum circular nito noong December 1, 2011 na nag-uutos na ibaba ang SMS rate sa post paid at prepaid na sinisingil sa mga subscribers.
Ayon kay Engr. Edgardo Cabarios, director ng Common Carrier Authorization Department ng NTC, bukod sa pagbababa sa 80 cents ng halaga ng per text, pinagmumulta din ang mga telecom company ng P200.00 per day o P75,000 dahil sa hindi pagsunod sa naturang order.
Pinagsusumite din ng NTC ang mga telcos ng kanilang records at reports hinggil sa off net SMS ng lahat ng kanilang subscribers na una ng siningil ng piso sa kada text.
- Latest