MANILA, Philippines - Hindi umano dapat madaliin ang pagpapasa ng mga bagong buwis, kasunod na rin ng mga kontrobersiya hinggil sa mga buwis sa ginto at ‘sin products.’
Ayon kay Leody de Guzman, national president ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), dapat patunayan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kanilang institutional independence hindi lamang mula sa Malacañang kundi maging sa International Monetary Fund (IMF) na sumusuporta sa mga bagong tax, kabilang ang levy sa mga cellphone text messages.
Nanawagan ang BMP na magpatupad na lamang ng ‘status quo’ sa mga buwis habang nakabinbin pa ang pag-rebyu sa omnibus amendment ng buong taxation system.
Sinabi ni de Guzman, ang kasalukuyang sistema ay nakaasa sa mga sales taxes na mula sa mga consumers sa pamamagitan ng EVAT at sa compulsory deduction ng mga withholding taxes sa wage-earners, na hindi lamang aniya anti-poor kundi regressive at unconstitutional pa.
Nanindigan ang grupo na ang tax reform ay hindi lamang legal question kundi isyu ng buhay at kamatayan para sa mga manggagawang Pinoy at kanilang pamilya, na higit na nagdurusa sa pagbabayad ng buwis, kumpara sa mga mayayaman na may mga abogado at accountant upang maniobrahin ang kanilang salapi at makaiwas sa pagbabayad ng buwis.