Mla. RTC judge kinasuhan
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong administratibo sa Office of the Court Administrator (OCA) ng Korte Suprema ang isang trial court judge dahil sa umano’y “pagkiling” sa alitan ng Manila Harbour Centre Industrial Park Association, Inc. (MHCIPAI) at MHC Development and Management Corp (MHCDMC).
Sa 9-pahinang reklamo ni Atty. Crescencio Nembres ng R-II Builders, inakusahan nito si Manila RTC Branch 24 judge Lyliha Abella Aquino ng pag-isyu ng isang “unjust interlocutory order or judgment,” kasama na ang “gross ignorance of the law, bad faith and gross impartiality in violation of the Code of Ju dicial Ethics and the Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019).”
Kasalukuyang may nakabinbin na usaping ligal sa korte ang dalawang grupo kung sino ang mamahala sa “common areas” at iba pang pasilidad ng Manila Harbour Centre Industrial Park sa Tondo, Manila.
Sa isang desisyon ni Judge Antonio Eugenio noong Agosto 3, 2010, inatasan nito ang R-II Builders, developer ng pasilidad, na bumuo ng samahan ng mga “locators” kung saan nailabas ang “writ of execution” noong Abril 3, 2012.
Naghain naman ng “motion to quash” ang R-II Builders at sinabi nitong nasunod na ang utos ng korte na magbuo ng samahan ng mga locators na tatawaging ‘MHC Development and Management Corp. (MHCDC) kaya hindi na kailangan ang “writ of execution”.
Ayon sa R-II “nilabag” ng mga kasapi ng MHCIPAI sa pangunguna ng Philippine Foremost Milling at Aileen Ongkauko ang kanilang “compromise agreement” sa nasabing usapin.
Sa desisyon naman ni Aquino noong Oktubre 19, binalewala umano ng korte ang mosyon ng R-II kasabay ng pag-uutos sa MHCDMC na ipasa na sa MHCIPAI ang “management” ng pasilidad.
Himutok naman ni Nembres, “sumobra” si Aquino sa desisyon nito dahil kahit ang hindi mga sangkot sa usapin katulad ng Home Guaranty Corporation (HGC) ay binigyang karapatan nito na “makisawsaw” sa kontrobersiya.
Noong isang linggo, hawak ang desisyon ni Aquino, tinangka ng HGC na agawin ang pamamahala sa MHC kasama ang mga “court sheriff” ng Maynila.
- Latest
- Trending