Win-win solution sa tobacco growers iginiit ni Honasan
MANILA, Philippines - Dapat tumugon ang nakabinbing tax bill sa Senado hindi lamang sa isyu ng kalusugan o universal health care ng mga Filipino kundi maging sa kapakanan ng mga mawawalan ng trabaho katulad ng mga lokal na magsasaka ng tobacco.
Ayon kay Sen. Gregorio Honasan, hindi siya tutol sa mga benepisyong makukuha sa sin tax bill dahil sa huli ang talagang makikinabang dito ay ang mayorya ng mga mamamayan na hindi kayang magpagamot pero hindi rin naman aniya dapat isantabi na lamang ang mga maaapektuhan ng panukala.
Ipinaalala ni Honasan na pagkatapos ng tatlong taon ang mga mumurahing sigarilyo ay papatawan ng mahigit na isang libong porsiyentong tax increase.
Sabi pa ni Honasan na aminin man o hindi, ang bagong buwis ay papabor sa mga imported na sigarilyo samantalang unti-unti namang mamamatay ang mga local brands.
Dapat aniyang magkaroon ng “win-win” solution para magkaroon din ng tinatawag na ‘balancing interests’.
Muling nagpahayag ng pagkadismaya ang PhilTobacco Growers Association na kumakatawan sa mga magsasaka ng tobacco sa buong bansa, sa “unsympathetic response” ni Presidential spokesperson Edwin Lacierda sa kanilang hinaing.
Nauna ng kinontra ni Lacierda ang “1,000%” figure ng magsasaka at sinabing kahit pa itaas ang presyo ng sigarilyo sa Pilipinas ay kabilang pa rin ito sa pinakamababang presyo sa rehiyon.
- Latest