M’cañang dumepensa sa Sin Tax
MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang na masyadong exaggerated ang mga ulat laban sa Sin Tax bill.
Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, walang katotohanan na 1,000 percent ang magiging pagtaas sa presyo ng sigarilyo sa sandaling maaprubahan ng Senado ang Sin Tax Reform Bill.
Sabi ni Sec. Lacierda, sa kasalukuyan ay nasa P2.72 ang sin tax sa sigarilyo at kapag naaprubahan ng Senado ang nasabing bill ay magiging P12 na ipapataw na sin tax sa sigarilyo hanggang sa maging P22 ito sa susunod na taon hanggang sa P32 naman pagdating sa 2016.
Kahit itaas ang Sin tax sa sigarilyo sa bansa ay ito pa rin ang maituturing na pinaka-murang sigarilyo sa Asia-Pacific.
Sabi ni Lacierda, ang pinakamurang sigarilyo sa Thailand ay nagkakahalaga ng P72 habang ang pinakamurang local brand ng sigarilyo sa Pilipinas ay P15 at kahit maaprubahan ang sin tax ay magiging P26 ang pinaka-murang sigarilyo sa bansa.
Napag-alaman pa ng Palasyo na ang pinakamurang sigarilyo naman sa Vietnam ay P26 habang P48.50 naman ang lowest price ng sigarilyo sa Indonesia kung saan ay lumilitaw na ang pinakamurang sigarilyo pa din ay nasa Pilipinas kahit maaprubahan ang Sin Tax reform bill.
Idinagdag pa ni Lacierda, dapat malaman din ng publiko na ang Pilipinas ay signatory sa World Health Organization framework on tobacco control kasama ang 177 bansa kung saan ay inirekomendang itaas sa 70 percent ang excise tax ng tobacco.
Ang ibang bansa na signatory sa WHO convention on tobacco control ay nagpataw ng 75 percent tax sa retail price ng sigarilyo kaya kahit maaprubahan ang Sin Tax reform bill ay lilitaw na 60 percent lamang ang ipinataw nating buwis.
Dagdag pa ni Lacierda, kahit maaprubahan ang nasabing batas sa pagbubuwis ng sigarilyo ay mananatiling ‘kikita’ pa din ang mga tobacco companies sa bansa.
- Latest