4-buwan palugit sa Pinoy na bibitayin sa Saudi
MANILA, Philippines - Nakakuha ng apat na buwang reprieve o pagpapaliban ng eksekusyon ang OFW na si Joselito Zapanta na nakatakda sanang bitayin o pugutan ng ulo noong Miyerkules (Nob 14) sa Saudi Arabia
Ayon kay Vice President at Presidential Adviser on OFW Concerns Jejomar Binay, lumuwag ang ibinigay na kondisyon ng pamilya ng Sudanese national na napatay ni Zapanta na bukod sa apat na buwang palugit para makalikom ng blood money ay binabaan din ang hinihinging kabayaran.
Mula sa 5 milyong Saudi Riyal (P55 milyon) blood money ay ibinaba ito sa SR 4 million o P44 milyon kapalit ng buhay at kalayaan ni Zapanta.
Sa ngayon, mahigit P4 milyon pa lamang ang nalilikom ng pamahalaan at pamilya Zapanta para sa nasabing blood money.
Una rito, binigyan ng isang buwang palugit ang pamilya Zapanta upang maibigay ang blood money.
Noong Martes ay tumulak ang ina at kapatid na babae ni Zapanta upang personal na humingi ng kapatawaran sa pamilya ng biktima at hilingin na ipagpaliban ang bitay dahil naglilikom pa sila ng pera.
Si Zapanta, 32, tubong Bacolor, Pampanga ay hinatulan ng bitay ng Saudi Court of First Instance sa kasong murder with robbery sa Sudanese landlord na si Saleh Imam Ibrahim noong 2009. Pinagbubugbog umano ni Ibrahim si Zapanta nang tumangging magbayad ng upa ng tinutuluyang apartment kahit wala pa sa tamang petsa ng pagbabayad. Dahil dito, napatay ang Sudanese dahil sa palo ng martilyo at pinagnakawan pa umano ito ng nasabing Pinoy matapos ang krimen.
Nagtungo sa Saudi si Zapanta noong Oktubre 14, 2007 at nagtrabaho bilang tile setter sa Riyadh. Hindi nabayaran ng amo ang kanyang anim na buwang sahod kaya naghanap ito ng ibang trabaho sa Saudi.
- Latest