Gulo sa North Harbour tumindi
MANILA, Philippines - Naging magulo ang inaasahang maayos na pagpapatupad ng utos ng korte para lisanin ng R2 Builders ang Manila North Harbour Center at ibigay ang kontrol sa lugar kasama ang pasilidad sa asosasyon ng mga locators sa naturang lugar.
Dahil nabigo ang mga pulis ng Manila Police District Special Weapons and Tactics (MPD-SWAT) at MPD Station 1 ay nakuha pang kasahan ng baril ng guwardya ng R2 Builders ang abugado ng Home Guaranty Corporation (HGC) na si Attorney Quevedo. Ang HGC ang nagmamay-ari ng naturang lupain at matagal na nilang gustong paalisin ang R2 dito, dahil sa umano’y mga paglabag sa kanilang lease agreement.
Kaugnay nito nagpulong ang mga locators dito sa ilalim ng samahang Manila Harbour Centre Industrial Park Association Inc. at ang HGC upang ihain ang isang show cause at contempt sa korte sa pagsuway ng R2 Builders sa nauna ng utos ng Manila RTC branch 24 nuong Oktubre 19.
Nuong Biyernes isinakatuparan sana ang utos ng korte na ilipat ang pangangasiwa sa pasilidad mula sa R2 Builders patungo sa locators association pero hindi ito sinunod ng mga guwardya. Ang kontrobersyal na lupain na may lawak na 79 ektarya ay ginawa na rin umanong imbakan ng uling.
Maging si Vice President Jejomar Binay na pinuno din ng HGC ay nagsabi na mag-aassign na siya ng PNP officer na siyang mangunguna sa writ of execution dahil sa kabiguan ng pamunuan ng pulisya na ipatupad ito.
- Latest
- Trending