Pang-noche buena magmamahal
MANILA, Philippines - Nagpaalala na sa publiko ang Philippine Association of Supermarkets Inc. (PASI) na dapat nang paghandaan ang inaasahang pagtataas sa presyo ng mga produkto na pang-Noche Buena pagsapit ng buwan ng Disyembre.
Sinabi ni PASI President Federico Ples na sa susunod na buwan ay inaasahang gagalaw ang presyo ng Noche Buena items tulad ng pasta, tomato sauce, pineapple chunks at iba pang sangkap.
Pinayuhan nito ang mga mamimili na samantalahin na ang kabi-kabilang “sale” o “promo” ngayon sa mga supermarket para makapag-stock na ng mga produkto. Kung hindi naman kaya ng bultuhan, dapat umanong unti-unti nang bumili ng mga ihahanda lalo na iyong mga hindi nasisira tulad ng mga pasta, at pangsangkap.
Samantala, nagpaalala rin ang Food and Drugs Authority (FDA) sa publiko na umiwas sa pagbili o pagregalo sa mga bata ng mga laruang may mga maliliit na parte na nababaklas partikular na ang “bubble making whistle” o pito.
Ito’y makaraang makatanggap ng ulat ang FDA na may isang 3-taong gulang na bata ang isinugod sa pagamutan at nag-kritikal makaraang makalunok ng nabaklas na parte ng naturang laruan.
Pinaalalahanan ng FDA ang mga magulang na tiyakin na ligtas ang mga laruang binibili sa mga anak lalo na iyong mga isinusubo tulad ng mga pito at tiyakin ang kalidad ng mga ito.
- Latest