Kabilang sa Ten Outstanding Young Persons of the World Bam Aquino Int’l Awardee
MANILA, Philippines - Itinuturing na isa sa mga world’s best ng Junior Chamber International o Jaycees ang Senatorial aspirant na si Benigno Bam Aquino matapos na mapili bilang isa sa Ten Outstanding Young Persons of the World for 2012.
Ayon sa JCI website, umabot sa 15,000 boto ang pumasok sa online voting kung saan muling sumailalim sa panibagong judging ang mga finalist. Matapos ito ay pinili ang 10 aktibong mamamayan dahil na rin sa kanilang nagawa para sa komunidad sa mundo.
Kinilala si Aquino sa “business, economic and/or entrepreneurial accomplishment” sa pamamagitan ng micro-financing social enterprise na Hapinoy kung saan sinasabing ipinakita nito ang “developed a sense of hard work, compassion and a desire to help people help themselves out of hardship.”
Bukod kay Aquino, awardee rin si HIV/AIDS advocate at doctor na si Dr. Edsel Maurice Salvaña, bukod pa sa walong awardees mula sa Botswana, Catalonia, Ireland, Madagascar, Maldives, United Kingdom at Zimbabwe.
Ginawaran na rin ng parangal si Aquino ng United Nations, World Economic Forum, at ng Schwab Foundation for Social Entrepreneurship.
“Napakalaking karangalan po na makabilang sa natatanging grupong ito,” wika ni Aquino. “Ang ating mga kapwa kabataan mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nagpapanalo sa atin at kay Dr. Edsel, at ipinakita nila ang kanilang tiwala sa kakayahan ng mga Pilipino. Ang karangalang ito ay hindi lamang para sa amin ni Dr. Edsel, ngunit para sa lahat ng
 naniniwala sa kakayahan ng mga Pilipino upang gumawa ng malawakang pagbabago.”

Gaganapin ang parangal sa Nobyembre 20, 2012, sa The Grand Hotel, Taipei, Taiwan na inaasahang dadaluhan ng TOYP honorees at guests, gayundin ng JCI World President Bertolt Daems, VIPs, at iba pang miyembro ng JCI worldwide.
- Latest
- Trending