Gen. Bartolome ilalagay ni PNoy sa non-duty status
MANILA, Philippines - Ilalagay na sa non-duty status si PNP chief Gen. Nicanor Bartolome ngayong November o December.
Kinumpirma ni Pangulong Aquino sa interview ng media delegation na kasama nito sa Laos na bagama’t hanggang March 16 pa ang retirement ni Bartolome ay posibleng ilagay na ito sa non-duty status.
Magugunita na tumangging maagang magretiro si Bartolome at nais nitong tapusin ang kanyang termino bilang PNP chief hanggang Marso 16.
Wika pa ni PNoy, ilalagay lamang sa non-duty status si Bartolome hanggang sa maabot nito ang kanyang retirement sa March 16 ng susunod na taon upang buo pa rin nitong makuha ang kanyang benepisyo.
Idinagdag pa ni Aquino, kahit nasa non-duty status na si Bartolome ay siya pa rin ang mananatiling PNP chief subalit maglalagay na ang chief executive ng officer-in-charge hanggang sa magretiro si Bartolome.
Iginiit ng Pangulo, ang concern niya ay ang papalapit na election ban sa Pebrero ng susunod na taon kung saan ay sakop ang panahon ng pagreretiro ni Bartolome kung saan ay bawal na siyang mag-appoint sa puwesto dahil sa pag-iral ng election ban kaugnay ng May 2013 midterm elections.
Hindi naman binanggit ng Pangulo kung sino ang ilalagay nitong officer-in-charge sa PNP habang nasa non-duty status si Bartolome.
Matunog na si Deputy Director General Alan Purisima ang papalit na PNP chief at itinalaga na ito bilang pinuno ng Task Force Halalan na siyang tututok sa nalalapit na May 2013 elections.
- Latest
- Trending