MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ng Kilusang Kontra Dynasty ang mga mambabatas na pagtibayin na ang Anti-Dynasty bill kasabay ng paglulunsad ng samahan ng pambansang kampanya kontra sa political dysnasty.
Sinabi ni Ricardo Penson, isang independent senatorial candidate at convenor ng KKD na layunin ng grupo na himukin ang ibang samahan na makiisa sa pagkontra sa mga pamilyang politiko na naghahari sa bansa.
Si Penson ay presidente ng Ausphil Tollways Corp. Nanawagan din siya sa lahat ng 31 kumakandidato para Senador na lumagda sa isang covenant na nagpapahayag ng hangaring wakasan na ang pag-iral ng mga political dynasties.
Ani Penson, “hindi iiral ang tunay na demokrasya kung walang social at political equality.”
Ang paglansag sa political dynasty ay nakapaloob din sa section 26 ng Konstitusyon na nagsasaad na “the state shall guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties as may be defined by law.”
Isinasaad din sa panukalang covenant ni Penson na ang mga lalagda sa kasunduan at mabibigong bumuo ng enabling law dapat magbitiw sa Senado kapag nahalal. Kasama sa convenor group ang labor, propesyonal, maliliit at malaking negosyante at samahan ng maralitang tagalungsod.
Ayon kay Penson, ang inaasam na pagbabago ay dapat magmula sa bawat mamamayan.