MANILA, Philippines - Nabunyag sa pagdinig kahapon ng budget ng Department of Transportation and Communication (DOTC) sa Senado na mayroon ding nakakabiyaheng colorum na eroplano.
Inamin ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)Director General William Hotchkiss na mayroong eroplano na hindi rehistrado.
Ang mga colorum na eroplano umano ay hindi nagbabayad ng license fee at walang garantiya na nasuri ang mga ito para matiyak ang safety at airworthiness.
Kaugnay nito, sinabi ni Sen. Ping Lacson na delikado kung may mga nakakapag-operate o nakakalipad na colorum na eroplano.
Wika ni Lacson, kung ‘yong mga nabigyan ng sertipikasyon o mga rehistradong eroplano ay nagkakaroon pa ng aberya mas lalong peligroso ang mga hindi nakarehistro at hindi nasertipikahan na ligtas gamitin.
Iginiit ni Lacson na posibleng isa ito sa mga dahilan kaya nananatili o hindi makaalis-alis sa Category 2 ang CAAP kapag sumailalim sa inspeksyun ng International Civil Aviation Organization (ICAO).