131 kolorum nadakma sa MM
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 131 kolorum na sasakyan ang nadakma ng pinagsanib na elemento ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni NCRPO Chief P/Director Leonardo Espina na ang nasabing bilang ng mga kolorum ay sa loob ng mahigit isang linggong operasyon na naglalayong walisin sa mga lansangan ang mga hindi lehitimong sasakyan.
Ayon kay Espina, ang pinalakas na operasyon laban sa mga kolorum na sasakyan ay upang mapigilan ang talamak na kirmen partikular ang robbery/holdup kung saan karaniwan ng UV Express van ang ginagamit ng mga masasamang elemento.
“A total of 131 colorum vehicles were apprehended as a result of joint operations with LTFRB”, ani Espina bukod pa sa aabot na rin sa daang bilang na nahuli naman ng iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at iba pa.
Ipinagmalaki ni Espina na sa loob ng nakalipas na 3 araw partikular na nitong Undas ng Nobyembre 1 at 2 ay nasa 21 kolorum na ang nadakma ng mga operatiba ng NCRPO at ng LTFRB.
Kabilang ang 13 kolorum na nahuli sa mga lungsod ng Las Piñas, Pasay, Taguig at Makati City habang 8 namang kolorum na sasakyang pamasada ang nahuli sa lungsod ng Maynila partikular na sa Blumentritt, Oroquieta at Recto.
Sa kasalukuyan, ayon pa Kay Espina ay hinihintay pa niya ang ulat ng iba pang distrito ng pulisya sa Metro Manila.
Inilagay na sa LTFRB impounding area sa bayan ng Taytay, Rizal ang mga nahuling kolorum habang patuloy ang operasyon laban sa behikulong bumibiyahe ng walang kaukulang dokumento.
- Latest