Surveillance cameras sa mga establishments gagawing mandatory
MANILA, Philippines - Nais ni Senator Lito Lapid na gawing mandatory ang paglalagay ng mga surveillance cameras sa mga commercial establishments lalo pa’t napatunayan na nakakatulong ito para makilala ang mga gumagawa ng krimen.
Sa Senate Bill 3306 na inihain ni Lapid na tatawaging “Surveillance Camera Act for Commercial Establishments” sinabi nito na nakakaalarma na ang pagdami ng krimen na nagaganap sa mga pribadong commercial establishments.
Dahil kadalasan umanong kulang ang mga security personnel sa mga private establishments, malaking tulong ang paglalagay ng mga surveillance cameras o closed circuit televisions o CCTVs.
Bukod sa magdadalawang-isip umano ang mga kriminal na gumawa ng krimen, malaking tulong din sa mga biktima na kilalanin ang mga umatake sa kanila.
Kung magiging ganap na batas, mandatory na sa mga commercial establishments na may lawak na 50 square meters ang paglalagay ng mga gumaganang CCTVs.
Dapat din umanong may security personnel na nagmo-monitor sa video feeds at itatago ang video recording ng hindi bababa sa 30 araw.
Pero ipinagbabawal ng batas ang paglalagay ng surveillance cameras sa mga restroom, toilet, shower, bathroom, changing room at iba pang kahalintulad ng lugar.
- Latest