MANILA, Philippines - Isang 61-anyos na Pinay ang hinatulan ng bitay dahil umano sa pagpupuslit ng mahigit limang kilo ng illegal drugs sa Vietnam.
Kinilala ang Pinay na si Amodia Teresita Palacio na pinarusahan ng kamatayan ng Hanoi court nitong Martes dahil sa pagdadala ng may 5.4 kilogram ng synthetic drugs o methamphetamine habang papasok sa Noi Bai International Airport sa Hanoi noong Abril 27.
Nabatid na nagtungo si Palacio sa Vietnam mula Bangkok, Thailand sa rutang Doha–Bangkok-Hanoi.
Lumitaw sa mga pagdinig sa korte na binayaran umano si Palacio ng halagang US$3,000 ng isa niyang kaibigan na nagngangalang Joselyn upang dalhin ang ilegal na droga mula Bamako, capital ng Mali, patungong Vietnam. Tinanggap umano niya ang dalawang suitcase na naglalaman ng nasabing droga sa isang African national bago siya bumiyahe patungong Vietnam.
Sina Joselyn na isa ring Pinay at hindi pinangalanang African ay pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad.
Sinabi ni Palacio sa Vietnamese Police na ito ang kauna-unahan niyang pagpunta at pagpuslit ng droga sa Vietnam subalit sa isinagawang pagsisiyasat ng Vietnamese authorities ay napag-alaman sa immigration record nito na walong beses na siyang nakapasok sa nasabing bansa. Gayunman, iginiit ng Pinay sa korte na puro pagbisita lamang ang kanyang ginawa sa mga nagdaang mga biyahe nito sa Vietnam.
Sa kanyang testimonya, inamin ni Palacio na bunga ng matinding kahirapan bagaman siya’y may edad na ay napilitan siyang umalis sa Pilipinas upang magtrabaho bilang taga-laba sa Thailand at matapos ang apat na buwan ay nakilala nito si Joselyn.
Sa kanyang huling pananalita sa korte, hiniling ni Palacio na kung siya ay mabibitay, nais nito na mailibing sa Pilipinas.
Nabatid na mahigit 400 katao na may iba’t ibang lahi ang nasa death row sa Vietnam.