500K Pinoy, apektado ng bagyo sa US
MANILA, Philippines - May 50 milyong katao kabilang na ang tinatayang kalahating milyong Pinoy ang apektado sa super typhoon o hurricane Sandy na bumabayo sa east coast partikular sa New York, Washington DC at Philadelphia sa Estados Unidos.
Inatasan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Embahada sa Washington at Konsulado Heneral sa New York na i-monitor ang kalagayan at tiyakin ang seguridad ng libu-libong Pinoy na apektado sa mga nabanggit na lugar na sinasabing maraming pupulasyon.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, nakipag-ugnayan na kahapon ang Embahada at Konsulado sa mga Filipino community sa Washington, New York at iba pang lugar na dadaanan ng bagyo na sinasabing superstorm, Lunes ng gabi (oras sa Amerika).
Nanawagan na ang Embahada sa Washington at Consulate sa New York sa mga Pinoy na maghanda at manatili sa kani-kanilang bahay at umiwas na magbiyahe.
Nagdeklara na si US President Barack Obama ng state of emergency sa Massachusetts, New York, Maryland, Columbia District, Maine, Rhode Island, Connecticut, New Jersey, Pennsylvania, Delaware at Virginia.
- Latest