LGUs na nakabili ng karnap na sasakyan, aalamin
MANILA, Philippines - Iniutos ng Malacañang sa Land Transportation Office (LTO) na beripikahin kung nakabili ba ang mga Local Government Units (LGUs) sa Mindanao ng mga carnap vehicles mula sa Baktin carnap group.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, agarang tutugunan ng Palasyo ang kahilingan ng mga residente ng Tandag City, Surigao del Sur na atasan ang lahat ng kinaukulang tanggapan ng pamahalaan para beripikahin ang ulat na nakabili din ng mga sasakyan ang ilang local officials at mismong local government units sa Mindanao mula sa grupo ng Tandag-based businessman Ryan “Baktin” Yu na sinasabing lider ng Baktin carnap group.
Nagtatago na si Baktin mula nang magpalabas ng P5-milyong reward money si Davao City Vice-Mayor Rodrigo Duterte sa sinumang makakahuling patay o buhay sa lider ng carnap syndicate na nag-ooperate sa Mindanao.
Ipinaabot ng mga Tandag residents ang listahan ng mga sasakyan at plaka ng mga behikulo na nabili umano mula kay Baktin at nasa kamay ngayon ng ilang pulitiko at LGU’s mismo sa Mindanao.
Kabilang umano sa mga nasa listahan ng Tandag residents na pinaiimbestigahan nila sa LTO ay Mitsubishi Adventure (SHK 146), Nissan Escape red (SKX 169), Toyota Fortuner (SKH 638), Nissan Patrol (SHK 667), Toyota Land Cruiser (UED 747), Nissan Frontier Titanium Gray (SHK 677), Mitsubishi Pajero black (SFJ 366), Nissan Urvan Ambulance white (SHK 663), Toyota Fortuner white (YEE 881) at Toyota Fortuner white (ZLK 466).
- Latest